9/24/2008

Dan sa Araw ni Lorenzo

Isang araw, sa banal na pagdiriwang ng Kapistahan ni San Lorenzo Ruiz sa paaralan ng Don Bosco, si Dan ay naatasang magsalaysay ng buhay ng Santo para sa isang pagtatanghal sa hindi inaasahang pagkakataon. Ipinaalam lamang sa kanya ng isa sa mga guro ng paaralan ang kanyang gagawin nung siya ay nakaupo na at naghahanda na para sa gaganaping Misa. Malugod tinanggap ni Dan ang tungkulin. Nanginginig man dahil sa pinaghalong lamig at kaba, nairaos din; tutal, nakasanayan na niya ang pagsasalita sa harap. Maganda ang kinalabasan ng pagtatanghal, maraming guro at ka-eskuwela ang bumati sa kanyang ipinakitang husay. Gayun pa man, hindi parin naman niya naiwasan ang mga kritisismo. Masyado daw kasing naging maarte at napasobra sa damdamin ang pananalita nito.

Malugod na tinatanggap ni Dan ang mga sinasabi ng iba. Ngunit, tila yata nakakalimutan ng lahat na ginagawa lamang ni Dan ang mga tungkulin na ibinibigay sa kanya dahil sa kagustuhan ito ng iba. Hindi naman niya ginagawa ang mga iyon para sumikat, makilala, at may maipagmalaki; sa mabuting salita, hindi niya ginagawa ang mga ito para sa kanyang sarili. Marahil ay iniisip ng iba ay mayabang si Dan, masyado nang malaki ang ulo; pano naman kasi, laging siya ang inaasahan sa mga gawaing ‘hindi-pambata’ kung maituturing. Sa totoo nito, ang bawat pagharap at pagsasalita niya sa maraming tao ay may halo paring kaba at takot, kahit pa parati na niya itong ginagawa. Iniisip niya kung magugustuhan parin ba ng mga tao sa paligid niya ang kanyang gagawin. Iniisip niya kung sawa na ba ang tao sa kanya, galit ba, o ayaw na siya. Ang mga palaisipang ito ang mga kinakalaban ni Dan sa tuwing siya ay haharap pang muli, dahil alam niya, na sa kanyang bawat pagharap ay mas lalo siyang nagiging bukas sa papuri lalo na sa pambabatikos.

Dagdag pa rito, sa ginawang pagsasalaysay ni Dan ng buhay ni San Lorenzo, ay hindi maikakailang tumaas pang muli ang popularidad nito. Dahil dito, mas dumami pa ang mga nagtatanong sa kanya kung siya ba ay lalaban para sa isang posisyon sa Kagawaran ng mga Mag-aaral o Student Council. Marami ang humihikayat sa kanya na tumakbo at maglingkod. Sa totoo niyan, bilang pa niya ang mga taong ito: siyam na mga alumni, labinlimang mga kamag-aaral, apat na mga guro, at apat na mga Salesyano. Halata naman na marami ang naniniwala sa kanyang kakayahan. Ngunit ang kadalasang sagot niya sa mga ito ay “pag-iisipan ko pa.” Kuminsa’y naitatanong niya sa kanyang sarili “Weh. Who do you think you are to run?” at minsa’y nasasabing “you don’t have what it takes!” – isa, marahil, itong kasinungalingan. Self-critisism nga o false-humility kung tawagin sa Ingles.

Sa buhay ng tao, mahalaga ang makilala mo ang iyong sarili at makita ang mga nagawa mo na. Mahalaga na alam mo ang iyong mga kakayahan, kalakasan, at higit sa lahat – importansya. Ngunit dapat ay hindi kalilimutan, na ano man ang mangyari, nararapat na manatiling nakasayad ang mga paa sa lupa.

Karagdagang impormasyon: Si Dan ay naging representatibo na ng kanyang paaralan sa hiwalay na pagsasama ng mga lider ng iba’t ibang paaralan sa Pilipinas (ILAW, at CEAP). Siya ay dating sumasali sa mga produksyon ng malalaking pagtatanghal sa bansa (CCP, CCAI, at MTC). Lumalaban sa iba’t ibang kompetisyon pagdating sa literatura (DCJ, at Jr. Inq.) maging sa pananalita. Sa kasalukuyan ay gumaganap ng papel bilang isang aktibong mag-aaral ng kanyang pinapasukan.

Now, be his judge. Does he have what it takes?

No comments: