10/26/2008

Pagpapatawad? Desisyonan Mo!

"Padre, nagka-away na naman kami ng kapatid ko. Ano ang gagawin ko, galit na naman ako sa kanya?" Tanong ng isang sakristan sa isang pari.

"Patawarin mo," sagot ng pari.

"Eh umaabuso na po siya eh," banat ng sakristan.

"Patawarin mo parin," pilit ng pari.

"Sumusobra na po, padre, eh."

"Patawarin mo ulit."

"Hindi ko na talaga siya mapapatawad eh"

"Magpatawad ka parin," sagot ng pari.

Ang kulit talaga ng pari ano?

"Ganito nalang, bigyan niyo ako ng limang dahilan kung bakit ko siya kailangan patawarin," hamon ng sakristan sa pari.

"Kapatid mo siya."

"Padre, inisip ko na po iyan."

"Anak din siya ng nanay mo."

"Naisip ko narin po iyan."

"Dahil mahal siya ng Diyos."

"Alam ko na po iyan eh."

"Dahil mahal mo ang Diyos."

Naiinis na ang sakristan sa mga sagot ng pari. Tila ba hindi siya makontento sa mga kasagutang ibinibigay ng pari sa kanya.

"Isa nalang po padre; bigyan mo ako ng dahilan kung bakit kailangan ko siyang patawarin. Iyon pong hindi ko pa naiisip, yung hindi ko pa alam."

"Hindi mo kailangan ng dahilan para magpatawad. Desisyonan mo lang!"

Tama nga naman si padre hindi ba? Bakit ba napaka-hirap para sa atin ang magpatawad ng kapwa? Desisyong patawarin lang naman ang nagkasala sa atin ang kailangan.

Magpatawad tayo kahit ilang ulit pa; kahit ilang beses pa. Ano ba ang pamantayan mo sa pag-ibig sa kapwa? Ang pamantayan mo ba ay kagaya ng sa Diyos? Naitanong mo na ba sa sarili mo kung ilang beses ka na Niyang pinatawad?

10/03/2008

Tengang May Konsiderasyon

Sa isang kaharian sa bandang hilaga, may isang reyna. Ang kanyang katalinuhan ang nagpapaikot sa kanyang nasasakupan gaya ng araw, ang kanyang kagandahan ay sumisilaw sa mga mata ng mga kalalakihan, at ang kanyang kayamanan ay mas malaki kung ihahalintulad kanino man.

Isang umaga, and kanyang punong taga-payo ay nakipagkita sa kanya at sinabing:

“Mahal na reyna! Ikaw ang pinaka-matalino, pinaka-maganda at pinaka-mayamang babae sa mundo. Subalit, marami akong naririnig na masasamang sinasabi ng ibang tao tungkol sa inyo. Bakit, sa kabila ng lahat ng iyong mga nagawa, ay hindi pa sila ma-kuntento?”

Tumawa ang reyna at sumagot:

“Tapat na tagapag-payo, alam mo ang aking mga nagawa sa kaharian. Pitong rehiyon ang nasa ilalim ng aking kapangyarihan, at lahat ng iyon ay dumaranas ng kapayapaan at kasaganaan. Sa lahat ng bayan, ang mga desisyon ko ay nararapat at patas.

Kaya kong gawin lahat ng naisin ko. Kaya kong ipag-utos ang pagsasara ng mga pook, at kahit pa ng palasyo. Ngunit isang bagay ang hindi ko maaaring magawa: ang patahimikin ang bibig ng mga tao. Hindi na mahalaga ang masasamang sasabihin ng iba, ang mahalaga ay maipag-patuloy ko ang mga gawaing alam ko na tama.”

(Halaw sa "Listening to Insults" ni Paulo Coelho)

10/01/2008

Katotohanan at Parabula

Isang araw, Dumating si Katotohanan sa mundo. May tungkulin siyang ituro sa bawat isang nabubuhay ang katotohanan ng lahat ng bagay. Ang tungkuling ito ay naging napaka-mahirap.

Upang magawa ito, sinubukan ni Katotohanan na kausapin ang mga taong nakakasalubong niya; subalit, ang mga ito ay inabuso lamang siya, at ang iba, ay lumayo sa kanya, at itinakwil siya.

“Bakit ang sama ng turing at trato nila sa akin?” Ang iyak niya sa isang sulok.

Narinig ni Parabula na umiiyak si Katotohanan, at sinabi niyang: “Ayaw nila sa iyo dahil sila ay natatakot. Ikaw ay hubad. – Tumingin ka sa paligid, lahat ay naka-damit. Damitan mo ang iyong sarili, at ikaw ay matatanggap din nila.”

“Paano ko naman dadamitan ang aking sarili kung wala akong kasuotan?” Tanong ni Katotohanan.

“Maganda ka at isa akong magaling na mananahi. Gagawin ko lahat ng kasuotang kakailanganin mo.”

Simula nuon, napangasawa ni Katotohanan si Parabula, at suot na nito ang mga kasuotang inihando ni Parabula para sa kanya.

(Halaw sa “Parable and Truth” ni Khalil Gibran)

Totoong ang katotohan ay may kapangyarihang makasakit ng tao, lalo na kung ang tao ay walang kakayahan o hindi handa na harapin ito. Normal lamang sa tao na matakot tumingin ng diretso sa hubad. Marami ang nag-tatakwil nito, at yun marahil ang dahilan kung bakit nararapat natin itong damitan ng parabula.

Ginamit ni Hesus ang parabula upang iparating sa atin ang katotohanan. Sa paraang ito, ang mga tao ay makikinig at iintindi. Binibihisan ito at ginagawang sang-ayon para sa nakikinig.

Ang katotohan ay pagibig, sabi ng iba, kaya’t nararapat rin itong gamitan ng pagmamahal. Maging maingat sa paghahayag ng katotohanan.