Isang araw, Dumating si Katotohanan sa mundo. May tungkulin siyang ituro sa bawat isang nabubuhay ang katotohanan ng lahat ng bagay. Ang tungkuling ito ay naging napaka-mahirap.
Upang magawa ito, sinubukan ni Katotohanan na kausapin ang mga taong nakakasalubong niya; subalit, ang mga ito ay inabuso lamang siya, at ang iba, ay lumayo sa kanya, at itinakwil siya.
“Bakit ang sama ng turing at trato nila sa akin?” Ang iyak niya sa isang sulok.
Narinig ni Parabula na umiiyak si Katotohanan, at sinabi niyang: “Ayaw nila sa iyo dahil sila ay natatakot. Ikaw ay hubad. – Tumingin ka sa paligid, lahat ay naka-damit. Damitan mo ang iyong sarili, at ikaw ay matatanggap din nila.”
“Paano ko naman dadamitan ang aking sarili kung wala akong kasuotan?” Tanong ni Katotohanan.
“Maganda ka at isa akong magaling na mananahi. Gagawin ko lahat ng kasuotang kakailanganin mo.”
Simula nuon, napangasawa ni Katotohanan si Parabula, at suot na nito ang mga kasuotang inihando ni Parabula para sa kanya.
(Halaw sa “Parable and Truth” ni Khalil Gibran)
Totoong ang katotohan ay may kapangyarihang makasakit ng tao, lalo na kung ang tao ay walang kakayahan o hindi handa na harapin ito. Normal lamang sa tao na matakot tumingin ng diretso sa hubad. Marami ang nag-tatakwil nito, at yun marahil ang dahilan kung bakit nararapat natin itong damitan ng parabula.
Ginamit ni Hesus ang parabula upang iparating sa atin ang katotohanan. Sa paraang ito, ang mga tao ay makikinig at iintindi. Binibihisan ito at ginagawang sang-ayon para sa nakikinig.
Ang katotohan ay pagibig, sabi ng iba, kaya’t nararapat rin itong gamitan ng pagmamahal. Maging maingat sa paghahayag ng katotohanan.
No comments:
Post a Comment