10/26/2008

Pagpapatawad? Desisyonan Mo!

"Padre, nagka-away na naman kami ng kapatid ko. Ano ang gagawin ko, galit na naman ako sa kanya?" Tanong ng isang sakristan sa isang pari.

"Patawarin mo," sagot ng pari.

"Eh umaabuso na po siya eh," banat ng sakristan.

"Patawarin mo parin," pilit ng pari.

"Sumusobra na po, padre, eh."

"Patawarin mo ulit."

"Hindi ko na talaga siya mapapatawad eh"

"Magpatawad ka parin," sagot ng pari.

Ang kulit talaga ng pari ano?

"Ganito nalang, bigyan niyo ako ng limang dahilan kung bakit ko siya kailangan patawarin," hamon ng sakristan sa pari.

"Kapatid mo siya."

"Padre, inisip ko na po iyan."

"Anak din siya ng nanay mo."

"Naisip ko narin po iyan."

"Dahil mahal siya ng Diyos."

"Alam ko na po iyan eh."

"Dahil mahal mo ang Diyos."

Naiinis na ang sakristan sa mga sagot ng pari. Tila ba hindi siya makontento sa mga kasagutang ibinibigay ng pari sa kanya.

"Isa nalang po padre; bigyan mo ako ng dahilan kung bakit kailangan ko siyang patawarin. Iyon pong hindi ko pa naiisip, yung hindi ko pa alam."

"Hindi mo kailangan ng dahilan para magpatawad. Desisyonan mo lang!"

Tama nga naman si padre hindi ba? Bakit ba napaka-hirap para sa atin ang magpatawad ng kapwa? Desisyong patawarin lang naman ang nagkasala sa atin ang kailangan.

Magpatawad tayo kahit ilang ulit pa; kahit ilang beses pa. Ano ba ang pamantayan mo sa pag-ibig sa kapwa? Ang pamantayan mo ba ay kagaya ng sa Diyos? Naitanong mo na ba sa sarili mo kung ilang beses ka na Niyang pinatawad?

No comments: