11/04/2008

Sakit

Isang araw na punong-puno ako ng hinanakit at umaapaw sa sama ng loob, dumaan ako sa maliit na kapilya ng aming paaralan. Malungkot na malungkot, at talagang pagod na pagod ako ng araw na iyon. Pagka-tingin ko sa altar, hindi ko mapigilan ang luha ko na tumulo. Hindi ko talaga maintindihan ang nararamdaman ko nung mga sandaling iyon. Napaka-dami nang mga luha ang pumapatak sa aking mga mata. Kakaiba ang pakiramdam ko noong araw na yun.

Hindi ko naman ginusto na may makakita pa sa akin, at baka sabihin lang niyang ako ay nababaliw. Ayoko rin mag-mukhang mahina sa mata ng ibang tao, kaya sinadya ko na lumabas na ng kapilya kahit hindi pa ako nakapag-darasal.

Sayang. Gusto ko pa naman sana magdasal noong araw na iyon, kaso hindi ako makatingin sa altar at naluluha talaga ako na parang gusto ko pa humagulgol. Bakit kaya? Ganoon na ba kabigat mga dalahin kong problema at napapaluha pa ako makita lang ang altar?

Walang pinagkaiba ang araw na iyon sa oras na isinusulat ko ito. Tila ramdam na ramdam at sariwang sariwa parin siya sa akin. Gusto ko sana itanong ang Diyos kung ano gusto niya mangyari sa akin; ang malungkot ba o ang sumaya. Hindi naman talaga ang pag-iyak ang sadya ko noon sa kapilya, pero parang ayon ang gusto niyang gawin ko.

Normal lang naman ang umiyak para sa isang tao. Sadyang ito lang siguro ang pinaka-mainam na paraan upang mailabas ng isang tao ang sakit na kanyang nararamdaman; kasinliteral man ito ng sugat o kasintalinhaga damdamin.

Ang sakit ko, marahil, ay sakit sa damdamin na dulot narin ng mga taong nakapalibot sakin. Sino ang maka-gagamot nito ng tuwiran, ngayong halos wala na akong kapangyarihan pang baguhin ang lipunang aking ginagalawan?

1 comment:

B said...

I miss that chapel. Diyan ako nagpupunta noon kapag nalulungkot ako. Ang kapilyang yan ang nakasaksi kung paano ako nahulog at kung paano ko inangat muli ang sarili ko. Magiisang taon na rin mula noong huli akong nakabisita. I miss DBTC.