11/27/2008

Magpaka-Iba Ka!

Isang ama na nasa mga dalawampung taon, at ang kanyang limang taong gulang ay nasa kanilang daan patungo sa isang nayon.

Ang daang kanilang tinatahak ay luma na at matagal ng dinaraanan ng daang-daan at libu-libong mga tao bago pa sila.

Ang bata ay lumayo sa kanyang ama, at sinubukang maglakad ng mag-isa. Tumahak ang bata ng ibang direksyong malayu-layo sa kanyang ama.

Para sa ama, ang landas na dinaraanan ng kanyang anak ay hindi ligtas at may maraming panganib. "Bumalik ka dito! Mapanganib ang lumakad diyan!" sigaw ng ama.

"Tay, tignan mo nga, hindi ako nahuhulog. Nakakatahak na ako ng sarili ko lang!"

Napaisip ang ama sa sinabi ng anak. Sa kanyang pagmasid sa kanyang anak, napansin niya ang nilakaran ng kanyang anak. Kitang-kita ito at halatang-halata; habang ang kanya namang nilalakaran ay wala man lang marka ng kanyang pagdaan.

Ang pagtahak ng sarili mong landas ay marahil pagbali sa nakasanayan na, at maari itong mangahulugan ng maraming "ups and downs".

Ang mga daan ay hindi mabubuo kung hindi natin ito daraanan ng minsan at paulit-ulit; ngunit kung lagi lamang tayong aasa sa nakasanayang daan na at ito ang sinusunod natin habang buhay, sabihin na nating ligtas o sigurado, hindi ka naman makakaranas ng pagunlad.

Ang pag-asenso, ay pagririsk.

Ang pagririsk ay pagkatuto na bumitiw sa iba't ibang bagay... mga bahay na, sabihin na natin, nakagawian na at sawang-sawa ka na. Ang pagbitiw ay nangangahulugan ring pagtanggap sa mga mas makabagong bagay-bagay.


hindi ganun kadali ang pagtahak ng sariling landas, ngunit worth to try naman!

11/15/2008

Hudas Ka na! Pilato pa!

Totoo na sa dami ng mga Hudas sa mundo, masuwerte na ang isa para mabuhay ng hindi nakakatikim ng panlililo (o 'betrayal' kung tawagin sa ingles).

Mayroong dalawang uri ng panlililo. Una ay pag ang isang tao ay talagang trinaydor ka, gaya ng isang kasintahan na nakikipag-relasyon sa iba habang kayo pa. Pangalawa ay ang pagtawag sa isang taong 'traydor' sa kadahilanang galit ka sa kanya.

Sa pangalawa, ang taong nasaktan ay may-sala sa hindi niya paglilinaw sa isa pang taong damay kung ano ba talaga ang nangyari. Matindi ang galit nung isang tao, dahil ang mga pangyayari ay dumating gaya nga ng nangyari; at ang ginawa niya, hayun! - lumikha siya ng sarili niyang bersyon, edisyon, o interpretasyon ng mga tunay na pangyayari. Ang inakusahan niyang 'traydor' ay walang nagawa para ipagtanggol ang kanyang sarili - at hinding-hindi niya maintindihan kung bakit sobrang galit ang ibinabato sa kanya ng dating kaibigan.

Ganyan ka-lala ang pagpapa-imbabaw ng mga tao sa panahon ngayon. Minsan pakiramdam natin na tayo ay 'trinaydor', pero sa katotohanan niyan, tayo talaga ang mga may-sala ng panta-traydor - dahil sa mabilisan nating panghuhusga sa ating kapwa.

Hudas ka na nga, Pilato pa. Ano ba naman yan?!

11/04/2008

Sakit

Isang araw na punong-puno ako ng hinanakit at umaapaw sa sama ng loob, dumaan ako sa maliit na kapilya ng aming paaralan. Malungkot na malungkot, at talagang pagod na pagod ako ng araw na iyon. Pagka-tingin ko sa altar, hindi ko mapigilan ang luha ko na tumulo. Hindi ko talaga maintindihan ang nararamdaman ko nung mga sandaling iyon. Napaka-dami nang mga luha ang pumapatak sa aking mga mata. Kakaiba ang pakiramdam ko noong araw na yun.

Hindi ko naman ginusto na may makakita pa sa akin, at baka sabihin lang niyang ako ay nababaliw. Ayoko rin mag-mukhang mahina sa mata ng ibang tao, kaya sinadya ko na lumabas na ng kapilya kahit hindi pa ako nakapag-darasal.

Sayang. Gusto ko pa naman sana magdasal noong araw na iyon, kaso hindi ako makatingin sa altar at naluluha talaga ako na parang gusto ko pa humagulgol. Bakit kaya? Ganoon na ba kabigat mga dalahin kong problema at napapaluha pa ako makita lang ang altar?

Walang pinagkaiba ang araw na iyon sa oras na isinusulat ko ito. Tila ramdam na ramdam at sariwang sariwa parin siya sa akin. Gusto ko sana itanong ang Diyos kung ano gusto niya mangyari sa akin; ang malungkot ba o ang sumaya. Hindi naman talaga ang pag-iyak ang sadya ko noon sa kapilya, pero parang ayon ang gusto niyang gawin ko.

Normal lang naman ang umiyak para sa isang tao. Sadyang ito lang siguro ang pinaka-mainam na paraan upang mailabas ng isang tao ang sakit na kanyang nararamdaman; kasinliteral man ito ng sugat o kasintalinhaga damdamin.

Ang sakit ko, marahil, ay sakit sa damdamin na dulot narin ng mga taong nakapalibot sakin. Sino ang maka-gagamot nito ng tuwiran, ngayong halos wala na akong kapangyarihan pang baguhin ang lipunang aking ginagalawan?