11/27/2008

Magpaka-Iba Ka!

Isang ama na nasa mga dalawampung taon, at ang kanyang limang taong gulang ay nasa kanilang daan patungo sa isang nayon.

Ang daang kanilang tinatahak ay luma na at matagal ng dinaraanan ng daang-daan at libu-libong mga tao bago pa sila.

Ang bata ay lumayo sa kanyang ama, at sinubukang maglakad ng mag-isa. Tumahak ang bata ng ibang direksyong malayu-layo sa kanyang ama.

Para sa ama, ang landas na dinaraanan ng kanyang anak ay hindi ligtas at may maraming panganib. "Bumalik ka dito! Mapanganib ang lumakad diyan!" sigaw ng ama.

"Tay, tignan mo nga, hindi ako nahuhulog. Nakakatahak na ako ng sarili ko lang!"

Napaisip ang ama sa sinabi ng anak. Sa kanyang pagmasid sa kanyang anak, napansin niya ang nilakaran ng kanyang anak. Kitang-kita ito at halatang-halata; habang ang kanya namang nilalakaran ay wala man lang marka ng kanyang pagdaan.

Ang pagtahak ng sarili mong landas ay marahil pagbali sa nakasanayan na, at maari itong mangahulugan ng maraming "ups and downs".

Ang mga daan ay hindi mabubuo kung hindi natin ito daraanan ng minsan at paulit-ulit; ngunit kung lagi lamang tayong aasa sa nakasanayang daan na at ito ang sinusunod natin habang buhay, sabihin na nating ligtas o sigurado, hindi ka naman makakaranas ng pagunlad.

Ang pag-asenso, ay pagririsk.

Ang pagririsk ay pagkatuto na bumitiw sa iba't ibang bagay... mga bahay na, sabihin na natin, nakagawian na at sawang-sawa ka na. Ang pagbitiw ay nangangahulugan ring pagtanggap sa mga mas makabagong bagay-bagay.


hindi ganun kadali ang pagtahak ng sariling landas, ngunit worth to try naman!

11/15/2008

Hudas Ka na! Pilato pa!

Totoo na sa dami ng mga Hudas sa mundo, masuwerte na ang isa para mabuhay ng hindi nakakatikim ng panlililo (o 'betrayal' kung tawagin sa ingles).

Mayroong dalawang uri ng panlililo. Una ay pag ang isang tao ay talagang trinaydor ka, gaya ng isang kasintahan na nakikipag-relasyon sa iba habang kayo pa. Pangalawa ay ang pagtawag sa isang taong 'traydor' sa kadahilanang galit ka sa kanya.

Sa pangalawa, ang taong nasaktan ay may-sala sa hindi niya paglilinaw sa isa pang taong damay kung ano ba talaga ang nangyari. Matindi ang galit nung isang tao, dahil ang mga pangyayari ay dumating gaya nga ng nangyari; at ang ginawa niya, hayun! - lumikha siya ng sarili niyang bersyon, edisyon, o interpretasyon ng mga tunay na pangyayari. Ang inakusahan niyang 'traydor' ay walang nagawa para ipagtanggol ang kanyang sarili - at hinding-hindi niya maintindihan kung bakit sobrang galit ang ibinabato sa kanya ng dating kaibigan.

Ganyan ka-lala ang pagpapa-imbabaw ng mga tao sa panahon ngayon. Minsan pakiramdam natin na tayo ay 'trinaydor', pero sa katotohanan niyan, tayo talaga ang mga may-sala ng panta-traydor - dahil sa mabilisan nating panghuhusga sa ating kapwa.

Hudas ka na nga, Pilato pa. Ano ba naman yan?!

11/04/2008

Sakit

Isang araw na punong-puno ako ng hinanakit at umaapaw sa sama ng loob, dumaan ako sa maliit na kapilya ng aming paaralan. Malungkot na malungkot, at talagang pagod na pagod ako ng araw na iyon. Pagka-tingin ko sa altar, hindi ko mapigilan ang luha ko na tumulo. Hindi ko talaga maintindihan ang nararamdaman ko nung mga sandaling iyon. Napaka-dami nang mga luha ang pumapatak sa aking mga mata. Kakaiba ang pakiramdam ko noong araw na yun.

Hindi ko naman ginusto na may makakita pa sa akin, at baka sabihin lang niyang ako ay nababaliw. Ayoko rin mag-mukhang mahina sa mata ng ibang tao, kaya sinadya ko na lumabas na ng kapilya kahit hindi pa ako nakapag-darasal.

Sayang. Gusto ko pa naman sana magdasal noong araw na iyon, kaso hindi ako makatingin sa altar at naluluha talaga ako na parang gusto ko pa humagulgol. Bakit kaya? Ganoon na ba kabigat mga dalahin kong problema at napapaluha pa ako makita lang ang altar?

Walang pinagkaiba ang araw na iyon sa oras na isinusulat ko ito. Tila ramdam na ramdam at sariwang sariwa parin siya sa akin. Gusto ko sana itanong ang Diyos kung ano gusto niya mangyari sa akin; ang malungkot ba o ang sumaya. Hindi naman talaga ang pag-iyak ang sadya ko noon sa kapilya, pero parang ayon ang gusto niyang gawin ko.

Normal lang naman ang umiyak para sa isang tao. Sadyang ito lang siguro ang pinaka-mainam na paraan upang mailabas ng isang tao ang sakit na kanyang nararamdaman; kasinliteral man ito ng sugat o kasintalinhaga damdamin.

Ang sakit ko, marahil, ay sakit sa damdamin na dulot narin ng mga taong nakapalibot sakin. Sino ang maka-gagamot nito ng tuwiran, ngayong halos wala na akong kapangyarihan pang baguhin ang lipunang aking ginagalawan?

10/26/2008

Pagpapatawad? Desisyonan Mo!

"Padre, nagka-away na naman kami ng kapatid ko. Ano ang gagawin ko, galit na naman ako sa kanya?" Tanong ng isang sakristan sa isang pari.

"Patawarin mo," sagot ng pari.

"Eh umaabuso na po siya eh," banat ng sakristan.

"Patawarin mo parin," pilit ng pari.

"Sumusobra na po, padre, eh."

"Patawarin mo ulit."

"Hindi ko na talaga siya mapapatawad eh"

"Magpatawad ka parin," sagot ng pari.

Ang kulit talaga ng pari ano?

"Ganito nalang, bigyan niyo ako ng limang dahilan kung bakit ko siya kailangan patawarin," hamon ng sakristan sa pari.

"Kapatid mo siya."

"Padre, inisip ko na po iyan."

"Anak din siya ng nanay mo."

"Naisip ko narin po iyan."

"Dahil mahal siya ng Diyos."

"Alam ko na po iyan eh."

"Dahil mahal mo ang Diyos."

Naiinis na ang sakristan sa mga sagot ng pari. Tila ba hindi siya makontento sa mga kasagutang ibinibigay ng pari sa kanya.

"Isa nalang po padre; bigyan mo ako ng dahilan kung bakit kailangan ko siyang patawarin. Iyon pong hindi ko pa naiisip, yung hindi ko pa alam."

"Hindi mo kailangan ng dahilan para magpatawad. Desisyonan mo lang!"

Tama nga naman si padre hindi ba? Bakit ba napaka-hirap para sa atin ang magpatawad ng kapwa? Desisyong patawarin lang naman ang nagkasala sa atin ang kailangan.

Magpatawad tayo kahit ilang ulit pa; kahit ilang beses pa. Ano ba ang pamantayan mo sa pag-ibig sa kapwa? Ang pamantayan mo ba ay kagaya ng sa Diyos? Naitanong mo na ba sa sarili mo kung ilang beses ka na Niyang pinatawad?

10/03/2008

Tengang May Konsiderasyon

Sa isang kaharian sa bandang hilaga, may isang reyna. Ang kanyang katalinuhan ang nagpapaikot sa kanyang nasasakupan gaya ng araw, ang kanyang kagandahan ay sumisilaw sa mga mata ng mga kalalakihan, at ang kanyang kayamanan ay mas malaki kung ihahalintulad kanino man.

Isang umaga, and kanyang punong taga-payo ay nakipagkita sa kanya at sinabing:

“Mahal na reyna! Ikaw ang pinaka-matalino, pinaka-maganda at pinaka-mayamang babae sa mundo. Subalit, marami akong naririnig na masasamang sinasabi ng ibang tao tungkol sa inyo. Bakit, sa kabila ng lahat ng iyong mga nagawa, ay hindi pa sila ma-kuntento?”

Tumawa ang reyna at sumagot:

“Tapat na tagapag-payo, alam mo ang aking mga nagawa sa kaharian. Pitong rehiyon ang nasa ilalim ng aking kapangyarihan, at lahat ng iyon ay dumaranas ng kapayapaan at kasaganaan. Sa lahat ng bayan, ang mga desisyon ko ay nararapat at patas.

Kaya kong gawin lahat ng naisin ko. Kaya kong ipag-utos ang pagsasara ng mga pook, at kahit pa ng palasyo. Ngunit isang bagay ang hindi ko maaaring magawa: ang patahimikin ang bibig ng mga tao. Hindi na mahalaga ang masasamang sasabihin ng iba, ang mahalaga ay maipag-patuloy ko ang mga gawaing alam ko na tama.”

(Halaw sa "Listening to Insults" ni Paulo Coelho)

10/01/2008

Katotohanan at Parabula

Isang araw, Dumating si Katotohanan sa mundo. May tungkulin siyang ituro sa bawat isang nabubuhay ang katotohanan ng lahat ng bagay. Ang tungkuling ito ay naging napaka-mahirap.

Upang magawa ito, sinubukan ni Katotohanan na kausapin ang mga taong nakakasalubong niya; subalit, ang mga ito ay inabuso lamang siya, at ang iba, ay lumayo sa kanya, at itinakwil siya.

“Bakit ang sama ng turing at trato nila sa akin?” Ang iyak niya sa isang sulok.

Narinig ni Parabula na umiiyak si Katotohanan, at sinabi niyang: “Ayaw nila sa iyo dahil sila ay natatakot. Ikaw ay hubad. – Tumingin ka sa paligid, lahat ay naka-damit. Damitan mo ang iyong sarili, at ikaw ay matatanggap din nila.”

“Paano ko naman dadamitan ang aking sarili kung wala akong kasuotan?” Tanong ni Katotohanan.

“Maganda ka at isa akong magaling na mananahi. Gagawin ko lahat ng kasuotang kakailanganin mo.”

Simula nuon, napangasawa ni Katotohanan si Parabula, at suot na nito ang mga kasuotang inihando ni Parabula para sa kanya.

(Halaw sa “Parable and Truth” ni Khalil Gibran)

Totoong ang katotohan ay may kapangyarihang makasakit ng tao, lalo na kung ang tao ay walang kakayahan o hindi handa na harapin ito. Normal lamang sa tao na matakot tumingin ng diretso sa hubad. Marami ang nag-tatakwil nito, at yun marahil ang dahilan kung bakit nararapat natin itong damitan ng parabula.

Ginamit ni Hesus ang parabula upang iparating sa atin ang katotohanan. Sa paraang ito, ang mga tao ay makikinig at iintindi. Binibihisan ito at ginagawang sang-ayon para sa nakikinig.

Ang katotohan ay pagibig, sabi ng iba, kaya’t nararapat rin itong gamitan ng pagmamahal. Maging maingat sa paghahayag ng katotohanan.

9/24/2008

Kaibigan Lang Talaga

Minsan nang ika’y Makita
Parang hindi ako makahinga
Nadama ang aking dibdib
Puso’y tumitibok ng kakaiba

Nang makapagpasyang makipagkilala
Hindi maigalaw ang mga paa
Takot at hiya ang nadarama
Pagpapakilala’y di na nagawa

Isang araw, kusa kang lumapit
Pangalan ay iyong binanggit
Pagpapakilala ang iyong pilit
Pakikipagkaibigan ang isa pang hirit

Ngayon ay magkaibigan na
Takot at hiya’y kusang nawala
Naikuwento na ang buhay na ubod ng saya
Mga problema’t sikreto’y ating naibulgar na

Ngunit hindi talaga mapilit
Ang puso kong nagdaramdam
Mayroon itong lihim na hindi mo pa nalalaman
Ito’y ang pagmamahal na gumugulo rin si isipan

Di ka man puwedeng pilitin
Ng puso kong may pagtingin
Sapagkat ang iyong pagmamahal
Iba ang talagang nagaangkin

Tanong na ito’y minsa'y nawawala
Nagsasabing pag-asa’y Malabo na nga ba?
Kaibigan, kaibigan ka lamang ba?
Hindi pa ba batid ang nararamdaman?

Sabi nga ng madla, galit ay di puwede ipakita
Inis ay di rin puwede tumula
“Ano ang karapatan mo?
Kaibigan ka lang diba?”

Dan sa Araw ni Lorenzo

Isang araw, sa banal na pagdiriwang ng Kapistahan ni San Lorenzo Ruiz sa paaralan ng Don Bosco, si Dan ay naatasang magsalaysay ng buhay ng Santo para sa isang pagtatanghal sa hindi inaasahang pagkakataon. Ipinaalam lamang sa kanya ng isa sa mga guro ng paaralan ang kanyang gagawin nung siya ay nakaupo na at naghahanda na para sa gaganaping Misa. Malugod tinanggap ni Dan ang tungkulin. Nanginginig man dahil sa pinaghalong lamig at kaba, nairaos din; tutal, nakasanayan na niya ang pagsasalita sa harap. Maganda ang kinalabasan ng pagtatanghal, maraming guro at ka-eskuwela ang bumati sa kanyang ipinakitang husay. Gayun pa man, hindi parin naman niya naiwasan ang mga kritisismo. Masyado daw kasing naging maarte at napasobra sa damdamin ang pananalita nito.

Malugod na tinatanggap ni Dan ang mga sinasabi ng iba. Ngunit, tila yata nakakalimutan ng lahat na ginagawa lamang ni Dan ang mga tungkulin na ibinibigay sa kanya dahil sa kagustuhan ito ng iba. Hindi naman niya ginagawa ang mga iyon para sumikat, makilala, at may maipagmalaki; sa mabuting salita, hindi niya ginagawa ang mga ito para sa kanyang sarili. Marahil ay iniisip ng iba ay mayabang si Dan, masyado nang malaki ang ulo; pano naman kasi, laging siya ang inaasahan sa mga gawaing ‘hindi-pambata’ kung maituturing. Sa totoo nito, ang bawat pagharap at pagsasalita niya sa maraming tao ay may halo paring kaba at takot, kahit pa parati na niya itong ginagawa. Iniisip niya kung magugustuhan parin ba ng mga tao sa paligid niya ang kanyang gagawin. Iniisip niya kung sawa na ba ang tao sa kanya, galit ba, o ayaw na siya. Ang mga palaisipang ito ang mga kinakalaban ni Dan sa tuwing siya ay haharap pang muli, dahil alam niya, na sa kanyang bawat pagharap ay mas lalo siyang nagiging bukas sa papuri lalo na sa pambabatikos.

Dagdag pa rito, sa ginawang pagsasalaysay ni Dan ng buhay ni San Lorenzo, ay hindi maikakailang tumaas pang muli ang popularidad nito. Dahil dito, mas dumami pa ang mga nagtatanong sa kanya kung siya ba ay lalaban para sa isang posisyon sa Kagawaran ng mga Mag-aaral o Student Council. Marami ang humihikayat sa kanya na tumakbo at maglingkod. Sa totoo niyan, bilang pa niya ang mga taong ito: siyam na mga alumni, labinlimang mga kamag-aaral, apat na mga guro, at apat na mga Salesyano. Halata naman na marami ang naniniwala sa kanyang kakayahan. Ngunit ang kadalasang sagot niya sa mga ito ay “pag-iisipan ko pa.” Kuminsa’y naitatanong niya sa kanyang sarili “Weh. Who do you think you are to run?” at minsa’y nasasabing “you don’t have what it takes!” – isa, marahil, itong kasinungalingan. Self-critisism nga o false-humility kung tawagin sa Ingles.

Sa buhay ng tao, mahalaga ang makilala mo ang iyong sarili at makita ang mga nagawa mo na. Mahalaga na alam mo ang iyong mga kakayahan, kalakasan, at higit sa lahat – importansya. Ngunit dapat ay hindi kalilimutan, na ano man ang mangyari, nararapat na manatiling nakasayad ang mga paa sa lupa.

Karagdagang impormasyon: Si Dan ay naging representatibo na ng kanyang paaralan sa hiwalay na pagsasama ng mga lider ng iba’t ibang paaralan sa Pilipinas (ILAW, at CEAP). Siya ay dating sumasali sa mga produksyon ng malalaking pagtatanghal sa bansa (CCP, CCAI, at MTC). Lumalaban sa iba’t ibang kompetisyon pagdating sa literatura (DCJ, at Jr. Inq.) maging sa pananalita. Sa kasalukuyan ay gumaganap ng papel bilang isang aktibong mag-aaral ng kanyang pinapasukan.

Now, be his judge. Does he have what it takes?

Mike-rophone

Mike… salitang pamalit sa ‘microphone’. Microphone… a device that converts sounds to electrical signal.

Ito ang ika-anim na subok sa mundo ng ‘professional blogging’ ni Mike, isang mabuting nilalang ng mabuting lumikha. Maglalaman ng mga kapana-panabik na kuwento tungkol sa iba’t ibang bagay sa mundo.

Dito magaganap ang mga pagsabog ng mga salita mula sa laman ng kanyang isip. Dito malayang bubuksan at ilalabas sa publiko ang iba’t ibang kaisipan.

Subaybayan… kumilos, at huwag magpapahuli. Masaya ang buhay.

Ano mang kuwento ang ma-publish dito, binibigyang karapatan ng may-akda ang mga mambabasa na magbigay ng mga personal na opinyon o suhestiyon. May bagay man na hindi mo magustuhan dito, maaaring i-contact si Mike para sa mabuting pagbabago. Hiling lamang na daanin sa pormal at sibilisadong pamamaraan.

Ang blog na ito ay nilikha sa ikabubuti ng may-akda, at sa tulong na maihahatid o maibabahagi nito sa kamulatan ng mundo.